Naninindigan ang Department of Health at Philippine National Police (PNP) sa pagsusulong ng nationwide firecracker ban.
Ito ay sa kabila ng pahayag umano ng Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng hindi pa handa ang Pilipinas sa naturang kautusan.
Ayon kay Health Undersecretary Gerardo Bayugo, kung maisasabatas ang pagbabawal sa paggamit ng paputok ay siguradong makababawas sa bilang sa mga firecracker-related injuries at damages tuwing Bagong Taon.
Aniya, magiging matagal na proseso ang pagsasabatas nito kaya’t malaking bagay kung magpapalabas ng executive order ang pangulo kaugnay dito tulad ng ipinatupad nito sa Davao City.
Suportado rin ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang total firecracker ban ngunit mahalaga rin aniya ang posisyon dito ng Pangulo.
Firecracker injuries
Sumampa na sa pitumpu (70) ang bilang ng firecracker related injuries na naitala ng Department of Health (DOH), tatlong araw bago ang pagsalubong sa taong 2017.
Kumpara ito sa 124 sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, mayorya ng mga biktima ay bata dahil karamihan sa mga ito ay naglalaro ng mga paputok habang holiday break.
Tatlumpu’t tatlo (33) sa mga kaso ay nagmula sa National Capital Region na kadalasang nagtamo ng injury dahil sa piccolo at boga.
Limampu’t isa o 74 percent ng kabuuang kaso ay mga batang edad kinse pababa.
Ito anya sa ngayon ang pinakamababang bilang ng mga naputukan sa nakalipas na limang taon.
By Rianne Briones