Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na mapapalakas ang peace agreement ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasunod ng unang bahagi ng decommissioning ng MILF fighters.
Maaalalang kinumpirma ni Government Peace Panel Chair Miriam Coronel-Ferrer noong Huwebes na magsisimula ang pagbalik ng 145 rebelde sa pagiging sibilyan sa Hunyo 16 kasabay ng ceremonial turnover ng 55 high-powered firearms at 20 crew-served weapons.
Ayon kay PNP Public Information Office OIC Chief Supt. Wilfredo Franco, hakbang ito patungo sa nais makamit na pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, tumangging magsalita si Franco kung sapat ang isusukong baril ng MILF sa pamahalaan dahil posibleng maapektuhan ang mutual trust ng dalawang panig.
By Kevyn Reyes