Pumanaw na rin ang Hollywood actress na si Debbie Reynolds isang araw matapos na sumakabilang buhay ang kanyang anak na si Star Wars actress Carrie Fisher.
Naisugod pa ang 84 anyos na aktres sa Cedars – Sinai Hospital dahil sa stroke.
Mababasa sa huling post ni Reynolds sa kanyang social media accounts ang taos pusong pasasalamat nito sa lahat ng pakikiramay, pagmamahal at pagsuporta kanilang tinanggap kasunod ng pagyao ng kanyang anak.
Si Reynolds ay nakilala sa kanyang pagganap sa classic film na ‘Singing in the Rain’ at kasama sa iilan na lamang na mga artistang nakabilang sa Hollywood Golden Age.
Naging kabiyak ni Reynolds ang singer na si Eddie Fisher sa loob ng apat na taon bago sila naghiwalay matapos syang ipagpalit nito sa kanyang kaibigang si Elizabeth Taylor.
By Rianne Briones