Ginugunita ngayong araw sa iba’t ibang panig ng bansa ika-120 anibersaryo ng kamatayan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Bukod sa Rizal Monument sa Maynila kung saan magkakaroon ng wreath laying ceremony, iba’t ibang aktibidad din ang inilatag sa hometown ni Rizal sa Calamba, Laguna sa Rizal Shrine sa JP Rizal Street.
Naghanda rin ang Rizal provincial government ng mga aktibidad habang bibigyang pugay din ang pambansang bayani sa Rizal Shrine sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Pangungunahan naman ng ilang Philippine Embassy official ang paggunita sa death anniversary ni Rizal sa ilang panig ng mundo gaya sa bantayog nito sa Madrid, Spain at Germany.
Ang National Historical Commission of the Philippines ang opisyal na tagapangasiwa ng Rizal Day Commemoration na may temang “Rizal: Bayaning Global, Aydol ni Juan.”
President Duterte’s message
Nakikiisa ang Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita sa ika-120 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Jose Rizal.
Sa inilabas na mensahe ng Pangulo, sinabi nito na mapalad ang mga Pilipino na siyang tagapagmana ng mga ginawang pagpapakasakit ni Rizal upang makamit ang kalayaan, dangal at pagkatao ng mga Pilipino.
Ngunit nagpapatuloy ayon sa Pangulo ang mga iniwang laban ni Rizal hanggang ngayon tulad na lamang ng pakikibaka para sa kalayaan ng bansa mula sa kahirapan, droga, krimen at katiwalian.
Kasunod nito, hinamon ng Pangulo ang publiko na tularan ang tapang at diwang makabayan ni Rizal sa pamamagitan ng pakikibahagi sa laban ng pamahalaan tungo sa tunay at wagas na pagbabago.
By Drew Nacino