Asahan na ang muling pagbigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila ngayong araw matapos ang holiday break.
Ito’y ayon sa Metro Manila Development Authority o MMDA ay dahil sa nagsibalik na sa Metro Manila ang mga bakasyunista nitong nakalipas na holiday season.
Sa monitoring ng DWIZ sa North at South Luzon Expressway, kagabi pa nagsimulang magbigat ang daloy ng trapiko sa mga nabanggit na kalsada dahil sa dagsa ng mga motorista.
Dinagsa rin ang mga terminal sa Cubao at Pasay City dahil bukod sa mga nagsisi-uwian mula sa mga lalawigan, marami ring taga-probinsyang nagpalipas ng Bagong Taon sa Maynila na magsisibalik naman sa kani-kanilang lugar.
Kasunod nito, inaasahang balik na rin sa mga pampublikong paaralan ang mga estudyante matapos ang kanilang Christmas break.
Gayunman, may ilang lalawigan pa rin sa bansa ang kanselado pa rin ang klase partikular na ang mga sinalanta ng bagyong Nina nitong Kapaskuhan.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: AFP