Idinepensa ng NPC o National Privacy Commission ang rekomendasyon nilang sampahan ng kasong kriminal si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista dahil sa tinaguriang “Comeleak”.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni NPC Deputy Commissioner Dondi Mapa na responsable si Bautista sa nangyaring “Comeleak” matapos manakaw ang personal records ng halos 55 milyong botante noong 2016.
Nagsagawa aniya sila ng limang fact-finding sessions hinggil sa naturang usapin, habang tatlong buwan nilang pinag-aralan ang lahat ng dokumentong isinumite ng COMELEC.
Binigyang-diin ni Mapa na hindi lang dapat boto ang pinoprotektahan ng COMELEC kundi maging ang personal na impormasyon ng mga botante.
Bahagi ng pahayag ni NPC Deputy Commissioner Dondi Mapa
Sa usapin naman ng pagpapanagot sa mga hacker na itinuturong nasa likod ng “Comeleak”, sinabi ni Mapa na ang CICC o Cybercrime Investigation and Coordination Center ang siyang dapat mag-imbestiga rito.
Ang CICC ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DICT o Department of Information and Communications Technology.
Bahagi ng pahayag ni NPC Deputy Commissioner Dondi Mapa
“Kami nga ang biktima dito tapos kami pa ang kakasuhan”
Naniniwala si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista na hindi dapat siya ang sisihin sa naganap na “Comeleak” noong nakaraang taon.
Iginiit sa DWIZ ni Bautista na hindi makatwiran na isisi sa kanya ang hacking incident, sa halip ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang paghuli sa mga hacker na siyang responsable rito.
Idinagdag pa ni Bautista na biktima lamang sila ng hacking.
Una nang inirekomenda ng National Privacy Commission na sampahan ng kaso si Bautista dahil umano sa paglabag sa Data Privacy Act of 2012 kaugnay ng massive data breach noong Marso 2016.
Bahagi ng pahayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista
Ipinagdiinan pa ni Bautista na agad bumuo ang poll body ng voter care hotline matapos ang malawakang pag-leak ng impormasyon ng mga botante na nakatala sa COMELEC website.
Subalit, ayon sa COMELEC Chair, mula nang itatag nila ang naturang hotline noong Abril 2016 ay wala pang tumatawag dito.
Bahagi ng pahayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Karambola