Nagpahayag ng pagdududa ang Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) sa resulta ng imbestigasyon sa sinasabing pamamaril sa 15-anyos na dalagita sa Malabon City noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa VACC, inconsistent kasi sa salaysay ng mga nakasaksi sa pangyayari ang lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Naniniwala ang VACC na posibleng minadali ang kaso ng pagkakabaril umano sa biktimang si Emilyn Villanueva para maabot ang deadline na ibinigay ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ito kung saan masisibak sa tungkulin ang mga Chief of Police na mabibigong maaresto sa loob ng 24 na oras ang mga suspek sa indiscriminate firing.
Una nang iginiit ng Malabon Police na nabaril at hindi biktima ng ligaw na bala ang dalagitang si Villanueva.
Matatandaang binawian na ng buhay nitong Miyerkules si Villanueva matapos itong ma-comatose mula ng tamaan ng bala noong bisperas ng Bagong Taon.
By Ralph Obina