Pormal nang naupo sa witness stand ng Sandiganbayan 5th Division si Ruby Tuason, dating Social Secretary ng noo’y Pangulong Joseph Estrada at ngayoy state witness sa plunder case laban kay Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay Tuason, tatlong beses siyang nagsilbing ahente ni Senador Jinggoy sa mga transaksyon nito kay Janet Napoles na ginamitan ng kanyang pork barrel funds.
Ang unang transaksyon aniya ay nangyari noong 2004 at ang nakataya ay 37.5 million.
Sinabi ni Tuason na nagkaroon rin ng pagkakataon na ipinasoli ni Estrada ang komisyong ibinigay ni Napoles at sinabing hindi na niya gustong ituloy ang proyekto.
Gayunman, kalaunan aniya ay napag-alaman niya na natuloy rin ang proyekto pero ang naging ahente na ni Estrada ay ang aktor na si Mat Ranillo.
Ayon kay Tuason, tatlong bigayan ang komisyon ni Estrada mula kay Napoles na madalas ay idine-deliver nya sa bahay ng senador sa San Juan, minsan sa kanyang tanggapan sa senado at isang beses sa isang bar sa San Juan.
Matatandaan na inamin na rin ni Tuason ang pagiging bagman ni Estrada sa hearing noon ng senado at ibinalik pa sa gobyerno ang 40 million sa kanyang mga nakomisyon mula kay Estrada.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7)