Kumikilos na umano ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte upang planuhin ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Ito’y makaraang kumalat sa social media ang usapan ng Global Filipino Diaspora Council gamit ang Yahoo Groups sa pamumuno ng billionaire philantropist na si Loida Nicolas Lewis.
Sa Facebook post ng isang Sass Rogando Sasot, ipinakita nito ang screenshot ng e-mail thread o mensahe mula umano sa tanggapan ng ni Vice President Leni Robredo at tinagurian itong ‘Leni Leaks.’
Nakasaad sa nasabing e-mail ang mga usaping palulutangin umano upang mahikayat ang publiko na madsimaya sa kasalukuyang administrasyon tulad ng mabagal na rehabilitasyon sa mga sinalanta ng bagyong Nina.
Gayundin ang kasalukuyang hidwaan sa pagitan nila Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo dahil sa mga usapin ng extrajudicial killings at pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Kasama rin sa nasabing mensahe ang mga pag-atake laban kay dating Senador Bongbong Marcos at sa anak nitong si Sandro sa harap na rin ng electoral protest nito laban kay Robredo.
‘Not true’
Samantala, mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo ang mga lumalabas na “Leni Leaks” o ang serye ng usapan ng mga umano’y grupong Dilawan para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, tutol na siya noon pa man sa anumang uri ng hakbang upang sipain sa puwesto ang Pangulong inihalal ng mas nakararaming Pilipino.
Bagama’t aminado si Robredo na marami siyang pagtutol sa administrasyon tulad ng extrajudicial killings, mali ang mga ipinararating na impormasyon sa Pangulo hinggil sa kanyang pagiging oposisyon.
Hindi aniya makabubuti para sa bansa ang mga hakbang na ikababagsak ng administrasyon lalo’t kailangan siya ng mayorya ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon.
Sa huli, muling nanindigan si Robredo na kahit wala na siya sa gabinete ng Pangulo, mananatili pa rin ang kanyang suporta sa administrasyon lalo na sa pagpapaangat ng buhay sa mga nasa laylayan ng lipunan.
By Jaymark Dagala