Nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na apektado ng bagyong Auring.
Sa pagtaya ng DSWD, halos isang milyong pamilya o mahigit 4.8 milyong katao ang bantad sa landslides o flashfloods sa Caraga, ARMM, Regions 10, 8, 7, 12, 11 at 6.
Hinimok naman ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo ang mga pamilyang nasa danger zones na makinig sa mga iaanunsyo ng kani-kanilang gobyerno lalo kung may panawagang magsilikas.
Mahalaga anya ang maging handa sa ganitong uri ng sitwasyon kaya’t hindi dapat balewalain ang mga inaanunsyo ng mga awtoridad.
Evacuees
Tinatayang animnalibong (6,000) katao ang nagsilikas mula sa kanilang mga bahay sa gitna ng pananalasa ng bagyong Auring sa Mindanao at Visayas.
Kabilang sa mga apektado ang mga residente ng Siargao Island, Surigao del Norte kung saan unang nag-landfall ang bagyo kahapon.
Ayon kay Amado Posas, Director of Operations ng Office of Civil Defense-Caraga, nakararanas na pagbaha ang ilang lugar dahil sa patuloy na pag-ulan kahit hindi pa tumatama ang bagyo.
Ipinag-utos anya ng mga Local Disaster Monitoring Agency ang preemptive evacuations bago pa mag-landfall ang bagyo upang maiwasan ang anumang casualty.
Ito ang unang bagyong tumama sa Pilipinas sa pagpasok pa lamang ng taong 2017.
By Drew Nacino