Tukoy na ng Philippine Coast Guard ang lokasyon ng lumubog na MV Starlite Atlantic sa karagatang sakop ng Batangas.
Ipinabatid ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo na base sa isinagawang survey ng BRP Hydrographic Hizon, ang vessel ng National Mapping and Resource Information Agency, mayroong na-detect na malaking object na nasa 78 metrong lalim sa bisinidad ng Malajibomanoc Island sa Batangas.
Ayon kay Balilo, kukumpirmahin pa ng mga divers kung ito ang lumubog na barko at kailangan na ring masisid ito upang mabatid kung nasa loob nito ang 18 nawawalang pa ring tripulante.
Bukod dito, sinabi ni Balilo na mayroon ding na-detect na oil spill sa ilalim ng dagat, subalit hindi naman ito mapanganib.
December 26, 2016 nang lumubog ang MV Starlite Atlantic malapit sa Maricaban Island sa bayan ng Tingloy sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Nina kung saan isa ang nasawi, 14 ang nakaligtas at 18 iba pa ang nawawala.
By Meann Tanbio | Aya Yupangco (Patrol 5)