Hindi malulugi ang SSS o Social Security System sa pag-apruba ng Pangulong Rodrigo Duterte ng isanlibong pisong (P1,000) dagdag sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng SSS simula ngayong taon.
Binigyang diin ito ni SSS Chairman Amado Valdez.
Ayon kay Valdez, aayusin nila ang koleksyon ng buwis lalo na sa mga employer at papalaguin ang pondo sa investments tulad ng tollways.
Nakatakda rin aniyang repasuhin ang salary scheme ng mga opisyal ng SSS at paiigtingin nila ang paghahabol sa delinquent at non-compliant employers.
Sinabi ni Valdez na hihingi sila ng executive order sa Pangulong Duterte para mapagbuti ang koleksyon.
“Kayo din ang makikinabang balang araw”
Ito ang naging sagot ni Noli Villafuerte, Consultant ng Office for Senior Citizen Affairs (OSCA) sa panayam ng DWIZ kaugnay sa dagdag kontribusyon na ipapataw sa mga miyembro ng SSS para tugunan naman ang dagdag pensyon sa mga retiradong miyembro nito.
Ayon kay Villanueva, kapag mas mataas ang ibinabayad na kontribusyon ay mas mataas rin ang pensyon na makukuha sa panahon na mag-retiro na sa trabaho.
Sinabi rin ni Villanueva na bagamat inaasahan nila ang P2,000 na dagdag sa pensyon, makakatulong na rin aniya ang paunang pagtaas para sa pambili ng gamot ng mga senior citizen.
Binigyang diin din ni Villanueva na panahon na para ayusin ng SSS ang contribution nito dahil marami aniya ang nakalulusot dito.
By Judith Larino | Aiza Rendon | Ratsada Balita