Dagdag pensyon sa SSS: Kaya nga ba ito?—’Yan ngayon ang tanong sa pamunuan ng Social Security System (SSS) matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paunang P1,000 increase sa mga retiradong miyembro nito.
Ang sagot ng SSS, “KAYA!”
Mga kundisyon
Sa naging panayam ng programang Karambola kay SSS President / CEO Emmanuel Dooc, sinabi niyang base sa kanilang pag-aaral kakayanin ito alinsunod sa ilang kundisyon.
Ilan aniya sa mga kundisyon ay ang pagdagdag ng kontribusyon ng mga kasalukuyang miyembro.
Una, ipinaliwanag ni Dooc na isasakatuparan ito sa Mayo ngayong taon ngunit tiniyak nito na ang 1.5 percent na pagtaas sa kontribusyon ay maliit na halaga lang na paghahatian (50-50) ng empleyado at ng employer nito.
Pangalawang kundisyon ay ang dagdag sa monthly salary credit na mula P15,000 kada buwan ay gagawing P20,000 na.
Ang panghuli ay ang tinatawag na internal at institutional reforms kasama na ang pagtutok sa mga ‘delinquent’ account o yung mga kumpanyang hindi nagre-remit ng kontribusyon sa SSS.
Hinihiling ni Dooc na mapagkalooban na sila ng poder sa pamamagitan ng isang batas na makapagbigay ng mga penalty upang tugunan ang mga krisis at problema na hinaharap ng ahensya.
Sinabi din nito na patatatagin pa nila lalo ang kanilang mga proseso sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang IT capabilities para matagumpay na maisakatuparan ang kanilang mga plano.
Ano na ang nangyari sa pera namin?
Tiniyak din ni Dooc na sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng SSS ay magiging transparent sila sa publiko.
Aniya, tatalima sila sa lahat ng requirement o panuntunan ng mga ahensya katulad ng Commission on Audit (COA), Philippine Stock Exchange (PSE) at Security and Exchange Commission (SEC) para sa transparency.
Ibinigay ni Dooc na halimbawa ang taunang pag-audit ng COA sa kanilang operasyon at gastusin tulad ng mga allowances na nababanggit sa SSS Annual Report.
Business sector
Ipinabatid din ni Dooc na kukunsulta sila sa sektor ng pangkalakalan tulad ng pakikipagpulong sa isa sa pinakamalaking samahan ng mga negosyante sa bansa na Employers Confederation of the Philippines o ECOP.
Dito, ilalatag ng SSS ang lahat ng kanilang aksyon para sa pagpapatupad ng dagdag-pensyon.
Tiniyak niyang magkakaroon ng partisipasyon ang mga negosyante para maging matagumpay ang dagdag-pensyon.
Effective this month
Paglilinaw din ni Dooc na epektibo na ngayong Enero ang dagdag-pensyon bagamat may kaunting adjustment lang silang isasagawa sa komputasyon na hindi naman aabot ng Pebrero.
Pabiro pang sinabi ni Dooc na may conflict of interest siya dito dahil isa na siyang senior citizen na tumatanggap na rin ng pensyon.
By Aiza Rendon
Credits to: Karambola Program ng DWIZ na mapapakinggan tuwing alas-8 hanggang alas-9:30 ng umaga kasama sina Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan Dela Cruz at Prof. Tonton Contreras