Dapat na magsagawa sina Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ng mabilisan at walang-sinasantong aksyon laban sa mga pulis na sangkot sa oplan tokhang for ransom.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, umaasa siyang walang sasantuhin ang Pangulo at PNP Chief sa mga pulis na nagsasamantala at gumagamit ng gyera kontra droga para sa sariling kapakinabangan.
Inihayag ito ni Lacson matapos masiwalat na isang Filipino-Chinese na kanyang kaibigan ang nabiktima ng tokhang for ransom o kidnap-extortion ng mga tauhan ng PNP CIDG sa Bulacan.
Dinakip ng mga pulis ang di nito pinangalanang Filipino-Chinese dahil umano sa illegal drug activities at pinakawalan lang ito matapos magbayad ng ransom ang pamilya nito.
Ayon kay Lacson, hindi nito agad na ibinulgar dahil sa akalang hindi na mauulit ang nangyari sa kaibigan dahil naging mabilis ang aksyon ng PNP anti kidnapping group.
Pero ngayong naisapubliko na ni Lacson ang naturang pangyayari, balak na raw niyang paimbestigahan ito upang matiyak kung talamak na ang tokhang for ransom.
By: Avee Devierte / Cely Bueno