Ayaw magpasailalim sa restrictive custody ng Philippine National Police (PNP) ang pulis na umano’y sangkot sa “tokhang for ransom”.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na nais ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na magbitiw sa tungkulin para wala na itong hurisdiksyon sa kanila.
Kahapon ay naghain na ng resignation si Sta. Isabel sa PNP-Headquarters Support Service, subalit hindi pa ito tinatanggap ni Dela Rosa.
Iniuugnay ang nasabing pulis sa kidnap for ransom case ng isang South Korean businessman sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre.
Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa
Aminado si Dela Rosa na may ilang pulis talaga na ginagamit ang Oplan Tokhang para makapangikil.
Dahil dito, may panawagan ang PNP Chief sa publiko na makipagtulungan sa pulisya.
Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa
Samantala, naniniwala ang PNP Anti-Kidnapping Group na malaki ang partisipasyon ni SPO3 Ricky Sta. Isabel sa kaso ng kidnapping sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Sa press briefing kanina sa Kampo Crame, sinabi ni PNP-AKG Director Sr. Supt. Glenn Dumlao na malakas ang hawak nilang mga ebidensya laban kay Sta. Isabel at mayroon din silang limang testigo na nagdidiin sa nasabing pulis sa “tokhang for ransom”.
Ayon kay Dumlao, bukod pa ito sa mga CCTV footage kung saan makikita si Sta. Isabel sakay ng kanilang family car na makailang beses naglabas masok sa subdivision kung saan nakatira ang Koreano.
Aniya, si Sta. Isabel din ang nag-withdraw sa ATM machine sa Greenhills, San Juan gamit ang ATM card ng biktima.
Lumabas din sa imbestigasyon ng PNP-AKG na hindi ito ang unang beses na nasangkot sa kasong kidnapping si Sta. Isabel.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Jonathan Andal (Patrol 31)