Tumangging tanggapin ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang resignation letter ni SPO3 Ricky Santa Isabel.
Itinuturong sangkot si Santa Isabel sa pagdukot sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, nangangahulugan ang hindi tinanggap na pagbibitiw ni Santa Isabel na nananatili pa rin itong pulis kaya’t may hurisdiksyon pa rin sa kanya ang PNP.
Sinabi rin ni Carlos na kahit pa isinuko na ni Santa Isabel ang kanyang service firearm noong isang araw, wala pa ring bisa ang kanyang resignation letter dahil hindi ito sumunod sa tamang proseso ng pagbibitiw sa tungkulin.
PNP Chief tinawag na tuso ang pulis na sangkot sa Korean kidnapping
Nanganganib na masibak sa serbisyo ang pinaghihinalaang pulis na sangkot sa pagdukot sa negosyanteng Koreanong si Jee Ick Joo.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, itinututiring na absent without official leave si Santa Isabel sumula noong Lunes matapos nitong suwayin ang utos ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na magreport sa duty at magpasailalim sa restrictive custody.
Bagamat lumutang sa Kampo Crame noong isang araw si Santa Isabel, hindi naman ito maituturing na reporting for duty dahil naghain lang ito ng resignation letter at bigla nang umalis nang walang paalam.
Dahil dito, tinawag na tuso ni Gen. Dela Rosa si Santa Isabel.
Ayon pa kay Carlos, kapag hindi pa nagpasailalim sa restrictive custody si Santa Isabel sa loob ng 10 araw matapos itong ideklarang awol, sisibakin na ito sa serbisyo.
Sa ngayon, bumuo na ng tracker team ang PNP na siyang tumutugis kay Santa Isabel.
8 indibidwal iniimbistigahan ng PNP kaugnay sa Korean Kidnapping
Tinatrabaho ngayon ng PNP Anti-kidnapping group ang hindi bababa sa 8 indibidwal na posibleng kasabwat ng pulis na suspect sa pag-kidnap sa isang Korean national na si Jee Ick Joo.
Sinabi ni PNP anti-kidnapping group director Police Senior Superintendent Glen Dumlao na nasa estado sila ngayon ng pagtukoy kung sinu-sino o ano ang pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod ng nasabing krimen.
Hindi naman tahasang masabi ni Dumlao kung pawang mga pulis din ang mga taong ito.
Gayunpaman, posible aniyang may kasabwat na mga pulis at sibilyan ang suspect na si Senior Police Officer 3 Ricky Santa Isabel.
Tumanggi muna si Dumlao na idetalye ang kanilang operasyon upang hindi ito mabulilyaso.
Aminado si Dumlao na hindi madali sa kanila na kornerin at paaminin si Santa Isabel sa nangyaring krimen dahil, bilang isang pulis, marunong itong dumiskarte at magpalusot.
PNP Chief nakipagpulong sa mga opisyal ng Korean Embassy
Nakipagpulong na si PNP Chief Director Ronald Dela Rosa sa mga opisyal ng Korean embassy para bigyang ayuda ang pamilya ng Koreanong negosyanteng umano’y dinukot.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Dionardo Carlos, nangako ng kooperasyon ang Korean embassy sa PNP para mahanap si Jee Ick Joo na nawawala noong Oktubre pa.
Tiniyak naman ni Gen. Dela Rosa sa mga opisyal ng Korean government na bibigyang hustisya ang nagyari sa kanilang kababayan.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin si Dela Rosa kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre para magtalaga na ng prosecutor na siyang tututok sa kaso.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal