Kasalukuyang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isa na namang LPA o Low Pressure Area.
Sa pagtaya ng PAGASA, ito’y nasa layong 70 kilometro silangan hilagang-silangan ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Ayon sa weather agency, nakakaapekto naman sa Visayas Region ang tail-end o buntot ng cold front.
Dahil dito, maaaring makaranas ng mga pag-ulan at thunderstorm ang Eastern Visayas, Caraga, northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Bohol.
Binalaan din ang publiko na mag-ingat laban sa posibleng mga flashflood at landslide.
Heavy rainfall warning
Nakataas ang heavy rainfall warning sa maraming probinsya sa Mindanao dahil sa masamang panahon.
Ayon sa PAGASA, dalawang weather system ang kanilang binabantayan na kinabilangan ng buntot o tail-end ng cold front at Low Pressure Area.
Kasabay nito, itinataas din ang red warning level sa Misamis Oriental kung saan inaasahan ang biglaang mga pagbaha sa mga mabababang lugar.
Inuulan naman ang Zamboanga Peninsula, Camiguin, Bukidnon, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Compostela Valley, Davao Oriental, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao City, North Cotabato, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Pinayuhan din ng PAGASA ang publiko at NDRRMC na i-monitor ang weather condition at gayundin ang mga weather advisory.
Class suspensions
Suspendido ang klase sa ilang lugar sa bansa ngayong araw dahil sa ulan at baha.
Kabilang sa walang pasok mula pre-school hanggang high school ay ang mga probinsya ng Bohol, Misamis Oriental at Cagayan de Oro.
Wala ring klase sa lahat ng antas sa La Salle Academy sa Iligan City habang mula elementary hanggang high school sa lalawigan ng Cebu.
Nabatid na suspendido na rin ang klase mula grade school hanggang kolehiyo sa Oroquieta City at gayundin mula pre-school hanggang high school sa Negros Oriental.
Samantala, wala ring pasok sa lahat ng antas sa Xavier University – Ateneo de Cagayan at Tacloban City.
By Jelbert Perdez