Dapat gamitin ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang pagkakataong ito upang linisin ang hanay ng pulisya.
Ayon kay Senador Sonny Angara, ito mismo ang sinabi niya kay Dela Rosa kasunod ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na wag siyang sibakin sa pwesto.
Sinabi ni Angara na dapat paghusayin ni Dela Rosa ang paggampan niya bilang hepe ng pambansang pulisya at patinuin ang PNP.
Dagdag pa ni Angara, dahil sa pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo sa loob mismo ng PNP headquarters, sa tingin niya’y magpapatupad si Dela Rosa ng mga karampatang reporma sa pambansang pulisya.
Kaugnay dito ay hinimok ni Senador Sonny Angara si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na tanggalin sa pwesto at kasuhan ang mga tiwaling pulis.
Nagmamatyag at umaasa, aniya, ang publiko ng mga matitinding hakbang laban sa mga nagmamalabis sa kanilang otoridad.
Pinayuhan ni Angara si Dela Rosa na ipaalala sa kanyang mga tauhan na tanging mga gawain nilang naaayon sa batas ang sinusuportahan at ipinagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte.
By: Avee Devierte / Cely Bueno