Hindi itinago ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagka-irita nito kay Senador Antonio Trillanes IV matapos siyang idawit ng senador sa bribery scandal sa Bureau of Immigration.
Sa panayam ng Karambola sa DWIZ, tinawag ni Aguirre na sundalong kanin at duwag si Trillanes.
Dalawang oras anya siyang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee pero inantay pa ni Trillanes na makaalis siya bago lumahok sa pagdinig.
Bahagi ng pahayag ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre
Sa pagdinig kahapon sa senado, kinuwestyon ni Trillanes ang pakikipag-usap at negosasyon ni Wally Sombero, ang itinuturong ‘middleman’ ni Lam sa dalawang opisyal ng Bureau of Immigration na sina Al Argosino at Michael Robles gayung wala namang itong kapangyarihan sa pagpapaaresto ng mahigit isang libong (1,000) illegal workers ni Lam.
Dagdag pa ni Trillanes, tanging ang hepe lang ng Bureau of Immigration na si Jaime Morente at si Aguirre bilang pinuno ng Department of Justice ang may hurisdiksyon para rito.
Maliban dito, ipinagtaka rin ni Trillanes ang pagkakaroon ng alam ni Aguirre sa halaga ng tangkang suhol gayunpama’y walang nababanggit sina Argosino at Robles hinggil dito. Aniya, lumalabas ang posibilidad na may personal na interes ang kalihim dito.
Agad naman itong itinanggi ni Aguirre at iginiit na lamang na ginawa na niya ang mga hakbang para mapanagot ang mga may kinalaman dito sa iskandalo at para linisin na rin ang kagawaran sa korapsyon.
“Despite na ka-brod namin sa fraternity sina Argosino at Robles, mayroon pa rin silang kailangang ipaliwanag. They are under suspicion, so I recommend immediately their dismissal. Kailangan umaksyon na talaga ako nang mabilis. Lilinisin natin ang korapsyon dito, we will not tolerate this.” Pahayag ni Aguirre.
Matatandaang inakusahan noong nakaraang taon ni Aguirre si Lam sa tangkang panunuhol nito kapalit ng pagpapalaya sa mahigit 1,000 arestadong illegal Chinese casino workers nito sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Pampanga.
By Len Aguirre | Ira Cruz | Credit to: Karambola (Interview)