Bibitayin na umano anumang oras ngayon sa Kuwait ang isang Overseas Filipino Worker (OFW).
Batay ito sa pahayag sa media ni Lt. Col. Gary Pawa sa kabila nang mahigpit na pagtanggi ng kapatid niyang OFW na si Jakatia Pawa ng Zamboanga City sa pagkakasangkot sa pagpaslang sa anak ng employer nito noong 2007.
Ayon kay Pawa, tumawag ang kanyang kapatid at ipinaabot ang malungkot na balitang kabilang ito sa tatlong babaeng nakatakdang bitayin.
Ibinilin aniya sa kanya ng 42-taong gulang na kapatid ang pag-aruga sa dalawang anak nito kapag sumakabilang buhay na siya.
Dahil dito, sinabi ni Pawa na umaapela sila sa Pangulong Rodrigo Duterte na maisalba pa ang buhay ng kanyang kapatid na aniya’y inosente talaga sa ibinibintang na kasalanan dito.
Inihayag ni Col. Pawa na pawang positive developments ang ibinigay sa kaniya ng abogado ng kapatid nang bisitahin niya dalawang buwan na ang nakakalipas.
Una nang sumulat ang noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Amir ng Kuwait para mailigtas si Jakatia na ang hatol na kamatayan ay pinaboran ng Court of Cessation ng Kuwait noong 2011.
“Let’s pray for her”
Tanggap na ng OFW Partylist Group na kulang na ang oras para maisalba pa ang buhay ng isang OFW na nakatakdang bitayin sa Kuwait anumang oras ngayong araw na ito.
Gayuman, hinihiling ni OFW Partylist Representative John Bertiz sa publiko na patuloy na ipagdasal si Jakaita Pawa na napagbintangan lamang sa pagpatay ng anak ng kanyang employer.
Malinaw aniya ang lumabas sa imbestigasyon na ang mga magulang ng biktima ang pumatay dito at hindi si Jakaita.
Bahagi ng pahayag ni OFW Partylist Representative John Bertiz
By Judith Larino | Report from: Allan Francisco (Patrol 25) | DWIZ Interview