Sang-ayon ang dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino na mabigyan ng medal of valor ang apatnapu’t dalawa (42) pang miyembro ng SAF na nasawi sa Mamasapano Maguindanao noong January 2015.
Sa isang pahayag, sinabi ng dating Pangulo na dalawa lamang ang ginawaran noon ng medal of valor mula sa SAF 44 dahil ito ang rekomendasyon ng isang board ng Philippine National Police matapos dumaan sa proseso ang mga isinumite sa kanilang aplikasyon.
Ayon kay Aquino, kung may makikitang paraan ang Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng medal of valor ang lahat sa SAF 44 ay sang-ayon siya dito.
Matatandaan na tanging sina Chief Inspector Gednat Tabdi ng 84th Special Action Company o Seaborne ng SAF at PO2 Romeo Cempron ng 55th Special Action Company ang nabigyan ng medal of valor sa SAF 44 dahil sila lamang ang inirekomenda ng PNP Board.
Una nang ipinaliwanag noon ng National Police Commission na bagamat bayani ang lahat ng SAF 44, namukod tangi sa tingin ng mga nagsagawa ng pag-aaral ang ginawa nina Tabdi at Cempron sa ginawa nilang operasyon kung saan napatay nila ang teroristang si Zulkipli Binhir alias Marwan.
By Len Aguirre