Nanawagan si Senadora Grace Poe sa liderato ng Philippine National Police o PNP na isailalim sa lifestyle check ang mga pulis na nasasangkot sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyanteng si Jee Ick Joo.
Partikular aniyang dapat i-lifestyle check sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, Superintendent Rafael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group, at iba pang pulis na isinasangkot sa krimen.
Ayon kay Poe, kaduda-duda na P8,000.00 lamang ang buwanang sahod ni Sta. Isabel pero may asset na umaabot sa 20 milyong piso.
Kaugnay nito, iginiit ni Poe ang malalimang imbestigasyon sa tila kuntyabahan ng mga pulis sa pagdukot at pagpaslang kay Joo.
Sen. Angara: Istruktura at kompensasyon ng mga pulis dapat baguhin
Kailangan ng pagbabago sa PNP hindi lamang sa kultura nito kundi pati na rin sa istruktura at kompensasyon ng mga pulis.
Sinabi ni Senador Sonny Angara, nakukulungkot ang pagdukot at pagpatay sa loob mismo ng PNP Headquarters kay Korean businessman Jee Ick Joo gayong South Koreans pa naman ang may pinakamalaking bilang ng turista sa bansa.
Umaabot, aniya, sa halos isang milyon ang mga turistang Koreano kada taon at halos malapit na itong madoble.
By: Avee Devierte / Cely Bueno