Sinagot na ni dating PNP-Special Action Force Chief, Dir. Getulio Napeñas ang mga batikos laban sa kanya kaugnay sa Mamasapano incident partikular ang patuloy na paninisi sa kanya ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ipinadalang e-mail sa DWIZ, nanindigan si Napeñas na walang ibinigay na direktang utos si Aquino sa buong preparasyon sa operasyon laban sa Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon sa retiradong heneral, ipinararating lamang ng noo’y Pangulo na si Aquino ang utos nito sa pamamagitan ni dating PNP Chief Alan Purisima.
Taong 2014 pa anya nila pinaplano ang Oplan Exodus kung saan kasama sa preparasyon sina Aquino at Purisima kaya’t malinaw na may partisipasyon ang dalawa habang ang Pangulo ang may control sa operasyon at hindi ang Chief PNP.
Sinabi rin ni Napeñas na isang malaking “kabalintunaan” na mismong si Aquino ang nag-apruba sa operasyon at nagpadala sa kanila sa Mamasapano, Maguindanao subalit bandang huli ay iniwan silang mga pulis at kalauna’y tinakasan ang responsibilidad at sinisi pa ang PNP-SAF.
Sa madaling sabi anya ay mismong si Aquino ang sumira sa buhay ng 44 na SAF commandos maging sa buhay at kanyang career bilang heneral ng Pambansang Pulisya.
By Drew Nacino