Hinikayat ng isa sa kanyang mga advisers ang Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi na ang CCT o Conditional Cash Transfer Program at mas tutukan ang pagtulong sa mga maliliit na negosyante sa bansa.
Ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, sa ilalim ng CCT, sinusubuan na ng isda ang mga mahihirap sa halip na turuan sila kung paano ang mangisda.
Sinabi ni Concepcion na sa kanyang panukala, unti-untiin ng pamahalaan ang paglayo sa CCT sa susunod na sampung (10) taon at tutukan ang pagtulong sa mga micro, small and medium enterprises dahil makakatulong ang mga ito para makalikha ng maraming trabaho sa bansa.
Umaabot sa animnapu’t limang (65) bilyong piso kada taon ang pondo para sa CCT.
Maaari anya itong magamit hindi lamang para pahabain ang buhay ng ilang maliliit na negosyo kundi para tulungan silang maging mas matatag at lumago upang makalikha ng mga trabaho.
By Len Aguirre
Photo Credit: DSWD