Walang planong magtayo ng mga weapons depot ang Estados Unidos sa Pilipinas taliwas sa inirereklamo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw ni AFP spokesman, Brig. Gen. Restituto Padilla na wala namang kumpirmasyon kung magtatayo ng imbakan ng mga armas ang US Armed Forces sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Padilla, tutulong lamang ang Amerika sa pagsasaayos sa disaster management ng Pilipinas at tanging mga rubber boat, generetor set at materyales sa pagtatayo ng mga bahay ang i-iimbak.
Wala anyang nakasaad sa military agreement na pinapayagan ang US Armed Forces na magtayo ng mga military facility o depot sa Pilipinas.
Idinagdag ni Padilla na kung may itatayong mga pasilidad ang amerika gaya ng mga runway ay kapwa gagamitin ang mga ito ng Armed Forces of the Philippines at US Armed Forces na otomatikong pag-aari naman ng Pilipinas.
By Drew Nacino