Tiyak na mananagot sa batas ang mga motoristang nang-ha-harass o nanunuhol sa mga traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority.
Ito ang ibinabala ni MMDA officer-in-charge Tim Orbos matapos sampahan ng kaso ang tatlong bus driver at isang konduktor dahil sa magkahiwalay na insidente ng pambubugbog at panunuhol sa dalawang traffic constable.
Inirekomenda na rin anya nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang suspensyon ng prangkisa ng mga bus firm na masasangkot sa mga naturang insidente.
Kahapon lamang ng umaga ay binugbog si Constable Richard Morales ng Lucky 7 Jayross bus driver na si Dick Soriano at konduktor na si Gilbert Gonzales makaraang sitahin ng MMDA personnel ang sasakyang may Plakang TXJ-438 dahil sa paglabag sa closed-door policy sa northbound lane ng EDSA-Pasay City.
Bagaman agad tumakas sina Gonzales at Soriano, nahuli naman ang mga ito sa EDSA-Ortigas at kasalukuyang nakapiit sa Pasay City police station at nahaharap sa kasong physical injuries at assault upon a person in authority habang dinala na ang kanilang bus sa impounding center ng MMDA sa barangay Tumana, Marikina City.
Noon namang Linggo, tinangkang suhulan si Traffic Constable Primo Santillana ng DLTB bus driver na si Francis Armada na dumaraan sa labas ng designated bus lanes sa EDSA-Buendia northbound.
By: Drew Nacino