Kinasuhan ng Department of Justice o DOJ ang 18 executive at organizers ng Close Up Forever Summer Concert nuong isang taon na ikinasawi ng lima katao kabilang ang isang dayuhan.
Kabilang sa mga kinasuhan ng criminal negligence sina Rohit Jawa, Chairman at CEO ng Unilever Philippines na si Jesus Canlapan, Manager for Workplace Services and Facility Security Albert Curnelius Trinidad, Marketing Director ng Close Up na si Joy Dalanon-Ocampo, Country Manager for Safety Health and Environment Melissa Alcayaga, Procurement Manager Bea Lagdameo, Close Up Assistant Brand Manager.
Bukod pa ito kina Anna Kristina Doctolero, Project Manager Baby Majalia Ahamadul, Senior Account Manager ng Activations Advertising Incorporated na si Reginald Soriano, Eduardo Muego, John Paul Demontanio at Alexis Engelberto Aragon.
Ayon kay Atty. Ariel Radocan, abogado ng pamilya ng mga biktima, dapat managot sa batas ang mga naturang opisyal matapos lumabas sa imbestigasyon ng NBI o National Bureau of Investigation na sa loob mismo ng concert grounds sa Mall of Asia Arena gumamit ng drugs ang mga biktima bago naganap ang insidente.
Ang Unilever Philippines ang nag organisa ng nasabing concert at dalawang event organizers ang kinontrata nito para sa nasabing concert.
Lumalabas sa autopsy sa labi ng mga biktima na positibo ang mga ito sa iligal na droga o tinatawag na green amore.
By: Judith Larino