Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga cabinet member na makupad sa pag-po-proseso ng mga dokumentong hinihingi ng publiko.
Ayon kay Pangulong Duterte, kung makatatanggap siya ng mga reklamo hinggil sa mabagal na pag-po-proseso ng mga legal o public document sa mga kagawaran ay tiyak na sisibakin niya ang sinumang namumuno rito.
“Ito ngayon ang warning ko sa lahat, yung departments sa gabinete ko I’ll just give you 1 month to process papers, anything that has something to do with the department. Itong mga Regional Directors I want you to be first to report every day, weekday or working days and the last to leave. Ayaw ko yung pending na papers”, pahayag ni Pangulong Duterte.
“Anybody who has valid gripe complaint against the government just dial 888, sabihin mo lang ito si Director Juan Dela Cruz hindi mapirmahan yung ano naming kasi wala, hindi nagre-report”, dagdag pa ni Pangulong Duterte.
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang mga government official at employee na maagang umuuwi mula sa kanilang trabaho.
Tiyak anyang may kalalagyan din ang mga opisyal at empleyado sa oras na mahuli sa akto at hindi rin siya magdadalawang isip na palitan ang mga ito.
“Those caught or reported to be out after lunch, papasyal diyan sa mga mall, you will be summarily dismissed, I will ask the Civil Service to impose. Maraming Pilipino na walang trabaho nandiyan sa labas naghihintay pati na gustong mag pulis maraming criminology students na walang mapuntahan, palitan ko kayong lahat”, ani Pangulong Duterte.
By Drew Nacino / Race Perez