Walang karapatan ang pamahalaan na ipaaresto ang mga pinalayang political prisoners upang makalahok sa peace talks sa NDFP o National Democratic Front of the Philippines.
Reaksyon ito ni Fidel Agcaoili, Chief Negotiator ng NDFP sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa kulungan ang mga pinalaya niyang political prisoners na nagsilbing peace negotiators.
Ayon kay Agcaoili, umuwi agad sa bansa ang mga pinalayang political prisoners matapos ang ikatlong round ng peace talks sa Rome upang mag-report sa korte na mayroong hurisdiksyon sa kanila.
Una nang binalaan ng Pangulo ang mga hindi uuwing peace negotiators ng NDFP na ituturing silang mga takas na bilanggo at ipaaaresto agad sa sandaling umapak sa bansa.
“Sila ay pinalaya sa pamamagitan ng bail, kaya sa ngayon nasa jurisdiction sila ng korte ng gobyerno, para nga makalabas ng bansa kailangan nilang humingi ng permiso, at pagbalik ng bansa ay kailangan din mag-report, kaya walang dahilan para muli silang arestuhin, sila naman ay covered ng JASIG (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees).” Pahayag ni Agcaoili
‘Written notice’
Samantala, hinihintay pa ng National Democratic Front of the Philippines ang formal notice mula sa negotiating panel ng gobyerno sa termination ng peace talks.
Ito ang tugon ng komunistang grupo matapos suspendihin ni Pangulong Rodrigo duteRte ang usapang pangkapayapaan at unilateral ceasefire.
Ayon kay Agcaoili, mahalagang hintayin nila ang notice alinsunod sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees bago mag-alsa balutan sa The Netherlands.
Sa kabila nito, inihayag naman ni NDFP Peace Panel Consultant Luis Jalandoni na umaasa pa rin sila na magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Samantala, sinagot naman ni Jalandoni ang pagtawag ni Pangulong Duterte sa kanilang grupo na terrorist group sa pagsasabing ang pinakamalaking problema ng bansa ay ang mga pang-aabuso ng militar.
By Len Aguirre | Drew Nacino | Ratsada Balita (Interview)
Photo Credit: NDFP