Full refund ang dapat ibigay ng DMCI, developer ng Torre de Manila sa mga nakakuha na ng units sa kontrobersyal na condominium sa Taft Avenue Manila sakaling gawing permanente ng Korte Suprema ang pagpapatigil sa konstruksyon nito.
Subalit sa ngayon, sinabi ni HLURB o Housing and Land Use Regulatory Board Chief Executive Officer Antonio Bernardo na tanging ang pagbabayad ng amortization sa DMCI ang suspendido habang dinidinig pa sa Supreme Court ang kaso.
Una rito, sinuspinde na ng HLURB ang lisensya ng DMCI para sa pre-selling ng mga units sa Torre de Manila matapos maglabas ng Temporary Restraining Order ang Supreme Court sa konstruksyon ng condominium.
Sa 30 ng buwang ito, nakatakda ang oral arguments sa petisyong nagpapahinto sa konstruksyon ng Torre de Manila dahil mistula itong photo bomber sa makasaysayang rebulto ni Jose Rizal sa Luneta Park.
Imbestigasyon, iginiit
Dapat ipagiba ang Torre de Manila sa sandaling maging permanente ang utos ng Korte Suprema na itigil ang konstruksyon ng condominium building.
Ayon kay Carlos Celdran, isa sa mga naunang nagprotesta sa pagtatayo ng Torre de Manila, hindi na dapat isaalang-alang ang mga nakabili na ng units sa Tore de Manila dahil sa simula pa lamang ng konstruksyon ay mayroon nang mga protesta laban dito.
Iginiit ni Celdran ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kay dating Manila Mayor Alfredo Lim dahil ginawa nitong priority ang application ng DMCI para sa konstruksyon ng Torre de Manila kahit pa wala itong nakuhang exemption sa city ordinance na nagbabawal sa mga gusaling mas mataas sa pitong palapag sa kapaligiran ng monumento ni Dr. Jose Rizal.
Maliban sa ordinansa ng Maynila, sinabi ni celdrAn na nalabag rin ng Torre de Manila ang Heritage Law na ipinasa lamang noong 2009.
“Binigyan niya ng verbal exemption ang DMCI at nilagyan ng priority yung application na kahit walang zoning exemption legally, binigyan lang ni Mayor Erap ng exemption ngayong January, so nagsimula na yung construction, the exemption came later, medyo Malabo yung timeline, there’s something going wrong here, so kailangang imbestigahan.” Ani Celdran.
Nagpahayag ng pagtataka si Celdran kung paano nakapasa ang permit para sa pagpapatayo ng Torre de Manila gayung maliban sa paglabag sa Heritage Law kuwestyonable rin ang lokasyon ng condominium building.
Taliwas sa nakalagay sa kanilang advertisements na sila ay nasa Taft Avenue, sinabi ni Celdran na ang Torre de Manila ay nasa isang makipot na kalsada lamang na nagsisilbing daanan ng mga patungo sa Adamson University.
“So wala talagang straight access ito, ang labo, 1,000 units at yung access mo ay isang kalye lang? kawawa ang mga buyer, akala ng mga buyer na nasa roadside ito pero false advertising ito, hindi ito roadside kailangan may access road, isipin niyo kung may apoy yan hindi magkakasya ang lahat ng mga fire trucks, ang labo talaga ng plano ng DMCI.” Pahayag ni Celdran.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit | Karambola