Nananatiling mahina ang implementasyon ng Animal Welfare Act sa Pilipinas.
Ayon kay Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS o Phillipine Animal Welfare Society, 1998 pa nang ipasa ang Animal Welfare Act at naamyendahan na rin ito para sa mas mataas na multa noong 2013 subalit marami pa rin ang hindi nakakaalam ng batas.
Dahil aniya sa kakulangan ng impormasyon ng taongbayan ay maraming kaso ang nakakawala at hindi nakakarating sa korte.
“Ang mahirap dito kapag walang nag step forward na may personal knowledge na siyang nakakita o may personal siyang kakilala, hindi puwedeng masampahan ng kaso. There is an animal welfare officer, baka hindi lang kasi alam ng marami, ang Bureau of Animal Industry Animal Welfare Division ang talagang taga-implement ng Animal Welfare Act, so itong mga ito we coordinate with them kapag may mga problema sa mga regions, pero they are equipped, they are supposed to be equipped.” Ani Cabrera.
Nilinaw ni Cabrera na hindi lamang sa mga alagang hayop tulad ng aso at pusa ang dapat isaalang-alang ng mamamayan kundi maging ang mga hayop na laan para sa pagkain.
Ito aniya ang dahilan kaya’t mayroong guidelines ang National Meat Inspection Service kung paano ang tama at hindi malupit na pagkatay ng mga hayop.
Una rito, sumama rin ang PAWS sa petisyon ng iba’t ibang mga bansa para sa tuluyang pagpapatigil ng Yulin Festival ng China kung saan kinakatay at kinakain ang mga alagang aso.
“Ang konsepto natin ng Animal Welfare medyo limited yata sa dogs and cats, ‘pag nakakita ng dog na sinasaktan o cat, medyo talagang makikita mo ang reaksyon ng publiko, pero yung nangyayari sa Yulin actually ngayon if I may say, yung bino-boil alive yung mga aso, pusa, it’s actually happening in many of our farm animals na kinakain, may mga guidelines na hindi sinusunod.” Pahayag ni Cabrera.
By Len Aguirre | Ratsada Balita