Binalaan ng dating Pangulo ng Colombia ang Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ulitin ang naging pagkakamali niya nang magdeklara siya ng giyera kontra droga sa kanyang bansa.
Sa kanyang column sa New York Times, sinabi ni dating Colombian President Cesar Gaviria na bagamat tungkulin ng pamahalaan ang magbigay ng seguridad sa mga mamamayan, napatunayan niya na mas maraming masama kaysa mabuting idinudulot sa taongbayan ang paggamit ng kamay na bakal lalo na sa isyu ng paglaban sa illegal drugs.
Sinabi ni Gaviria na napatunayan niya na hindi tugon sa problema sa illegal drugs ang extrajudicial killings at vigilantism.
Ayon kay Gaviria, inakala niyang magigising na ang Pangulong Duterte na mayroong mali sa kanyang giyera kontra droga nang mapatay ang Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Gayunman, tila nag-iimbita aniya ng mas malalang scenario o resulta si Duterte nang magpasya itong isabak na rin pati ang mga sundalo sa kanyang giyera kontra droga.
By Len Aguirre
*Presidential Photo