Ipinag-utos ni dating Pangulo ngayo’y Manila Mayor Joseph Erap Estrada ang pagbubukas pa ng mga karagdagang evacuation centers sa Lungsod.
Ito’y para magamit ng mga pamilyang naapektuhan ng malaking sunog na nangyari sa bahagi ng Parola Compound sa Tondo, Martes ng gabi.
Ayon kay Johnny Yu, Direktor ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lungsod, umabot na sa 500 pamilya ang nagtungo sa Delpan Evacuation Center at Delpan Sports Complex.
Pinabuksan na rin ang evacuation center sa bahagi ng Baseco Compound dahil sa dami ng mga apektadong pamilya na kailangan ng maisislungan.
Tulong sa pamilyang apektado ng sunog sa Parola Compound pinamamadali na
Pinamamadali na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pamamahagi ng tulong para sa 3,000 pamilyang apektado ng sunog sa Parola Compound sa tondo.
Ayon sa alkalde, nakikipag-ugnayan na rin sila sa DSWD o Department of Social Welfare and Development para sa karagdagang tulong na maaaring ibigay sa mga apektadong pamilya.
Batay naman sa ulat ng BFP o Bureau of Fire Protection – National Capital Region, halos mabura na sa mapa ang Barangay 20 matapos ang 10 oras na sunog na umabot sa Task Force Alpha.
Tinatayang nasa 3,000 pamilya ang lubhang naapektuhan ng sunog na kinakailangang ilikas sa mga pinakamalapit na evacuation center sa lungsod.
By Jaymark Dagala | With Report from Aya Yupangco