Epektibo na ngayong araw na ito ang pisong (P1) dagdag sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeepney.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mararamdaman na ang mas mahal na pasahe sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.
Pinayuhan ang mga drayber ng jeep na magpaskil ng notice sa kanilang mga sasakyan upang maipabatid sa publiko ang taas-pasahe.
Nagpapasalamat ang mga tsuper sa pisong (P1) dagdag ngunit sinabing hindi rin ito mararamdaman dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.
No need for new fare matrix
Iginiit ng LTOP o Liga ng mga Tsuper at Operator sa Pilipinas na wala nang pangangailangan para sa mga jeepney na kumuha ng bagong tarima o fare matrix.
Ito’y makaraang ibalik ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa otso pesos ang minimum na pasahe sa mga jeepney sa unang apat na kilometro.
Ayon kay ka Orlando Marquez, Pangulo ng LTOP, epektibo pa rin namang gamitin ang mga fare matrix dahil hindi naman pormal ang ginawang bawas singil sa pasahe noong isang taon.
“Ibinalik lang dahil binayaran na namin yan, ang fare matrix noon pang naging P8.50 ang pamasahe diba? nagkaroon na yan ng publication noon, eh bakit mo ipu-publish eh bayad na ng taong bayan yan, ibinalik lang, dahil nag-voluntary fare reduction kami walang papel noong isigaw namin na ibalik yung ganitong pamasahe sa ating mga kababayan, bakit hahanapan na naman kami ng requirements?” Ani Marquez
Gayunman, aminado si Marquez na hindi lahat ng tsuper sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA ay may kopya pa rin ng umiiral na fare matrix.
“Dapat ang mag-isyu kung hanapan kami ng matrix, dahil alam mo naman ang ating napakagagaling na driver, itinatapon na nila ang matrix dahil sa galit nila, hanapan kami, isyuhan kami ng fare matrix dahil bayad na namin sa gobyerno yan that time na umabot sa P8.50 ang pamasahe, so kung gusto nila eh di isyuhan kami ng fare matrix at ilalagay natin sa likod ng mga driver para makita ng ating mga pasahero.” Pahayag ni Marquez.
By Rianne Briones | Jaymark Dagala | Balitang Todong Lakas (Interview)