Tuloy ang pagpapasara at pasuspinde ng DENR o Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa may dalawampu’t walong (28) mining companies.
Pahayag ito ni DENR Secretary Gina Lopez bilang reaksyon sa mga ulat na pinigilan ng Malacañang ang pagpapasara at pagsuspindi nya sa ilang minahan sa bansa lalo na sa bahagi ng Caraga Region.
Ayon kay Lopez, puwede lamang magrekomenda ang cabinet cluster kayat siya pa rin bilang kalihim ng DENR ang magdedesisyon sa isyu.
Anumang oras mula ngayon anya ay matatanggap na ng mga minahan ang closure at suspension order mula sa DENR at maging ang resulta ng isinagawa nilang audit noong July na siyang ginagamit nilang palusot para makaiwas sa parusa.
Sinabi ni Lopez na maaari namang umapela ang mga sangkot na minahan sa Pangulong Rodrigo Duterte at sakaling mabigo sa Pangulo ay puwede pa nila itong iakyat sa korte.
By Len Aguirre
Photo Credit: DENR