Perfect timing ang pagbibitiw ni Vice President Jejomar Binay sa gabinete ng Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Ramon Casiple, isang political analyst, pambawi ito ni Binay sa pagbagsak nya sa ikalawang puwesto na lamang sa presidential survey at pag-angat naman bilang pinaka-pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Casiple na ito ang tamang panahon para asikasuhin ni Binay ang ambisyong tumakbo sa Pampanguluhang Eleksyon sa 2016 at iprisinta ang kanyang sarili bilang alternatibong kandidato.
Sinabi ni Casiple na maaari nang simulan ni Binay ang pag-upak sa mga kapalpakan ng administrasyon sa nakalipas na limang taon.
Gayunman, duda pa rin si Casiple kung magiging target ng mga upak ni Binay si Pangulong Aquino dahil mahaba ang pinagsamahan ng kanyang pamilya.
“I think ang gagawin niya yung administrasyon as a whole, pero may specific siya na mga target sa tingin ko, unless na si Presidente Aquino mismo ang bibira sa kanya directly, alam mo yung pamilya na relasyon diyan eh mabigat yun eh, pero hindi necessarily yung Presidente dito ang target niya.” Ani Casiple.
Endorsement ni PNoy
Hindi kailangan ni Vice President Jejomar Binay ang endorsement ng Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Ramon Casiple, isang political analyst, mayroong sariling base ng mga botante si Binay at hindi niya kailangan ng magtutulak sa kanya para manalo.
Matatandaan na minsan na ring sinabi ni Binay na umaasa pa rin sya na kahit palihim ay susuportahan siya ni Pangulong Aquino.
“Well tignan natin itong mga bira sa kanya mula pa last year hindi naman siya natinag masyado although bumaba talaga yung kanyang ratings, kakayanin niya yan, yun lang naman ang usapin, kasi may sarili siyang constituents, may sarili siyang base, hindi naman siya naghihintay ng endorsement sa Presidente.” Pahayag ni Casiple.
By Len Aguirre | Ratsada Balita