Mayorya ng mga Pilipino ang napakasaya sa kanilang buhay pag-ibig.
Ito ang lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan limampu’t limang (55) porsyento ang nagsabing “very happy” ang kanilang love life.
Mas mataas ito kumpara sa limampu’t isang (51) porsyento na naitala noong 2015 at apatnapu’t siyam (49) na porsyento noong 2014.
Sa isanlibo’t limandaang (1,500) respondents, tatlumpu’t isang (31) porsyento ang nagsabing kaya pa nilang mas pasayahin ang kanilang pagsasama habang labing apat (14) na porsyento naman ang umaming wala silang love life.
Samantala, halos kalahating porsyento naman ng mga Pilipino ang naniniwalang posible silang umibig ng higit pa sa isa nang magkasabay.
Batay ito sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan apatnapu’t apat (44) na porsyento ng mga Pinoy ang nagsabing posible silang maging salawahan habang apatnapu’t tatlong (43) porsyento naman ang taliwas sa pananaw na ito.
Ayon sa survey, labing siyam (19) na porsyento o isa sa bawat limang Pilipino ang umaming nakaranas silang ma-inlove ng magkasabay sa higit isang tao kung saan karamihan dito ay live in partners at mga kalalakihan.
By Ralph Obina