Umakyat na sa walo (8) ang nasawi sa 6.7 magnitude na lindol na tumama sa Surigao del Norte noong Biyernes.
Ito ang kinumpirma ng Surigao del Norte Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.
Kinilala ang mga nasawi na sina Lorenzo Deguino, JM Ariar, Justina Roda, Grobert Eludo, Wenefreda Bernal, Jenelyn Ebale, Rommel Tano at Wilson Lito.
Karamihan sa mga biktima ay natabunan ng mga bumagsak na pader at debris maliban kay Roda na inatake ng puso sa gitna ng kaguluhan dahil sa pagyanig.
Samantala, sa pagtataya ng provicial government umabot na sa 67. 8 milyong piso ang inisyal na pinsala ng lindol.
Gayunman, hindi pa kasama sa naturang halaga ang pinsala na idinulot sa mga imprastraktura tulad tulay, lansangan at sa Surigao airport.
Sa inisyal na ulat naman ng Department of Education (DEpEd), umabot na sa 7.6 milyon ang pinsalang sa mga paaralan.
State of calamity
Samantala, idineklara na ang state of calamity sa Surigao City kasunod ng 6.7 magnitude na lindol noong Biyernes.
Napagkasunduan ng Sangguniang Panlungsod ang deklarasyon dahil tindi ng naging pagyanig na nagdulot ng matinding pinsala sa 54 na barangay sa nasabing syudad.
Sa pamamagitan nito, umaasa ang lokal na pamahalaan na magagamit ang calamity fund ng syudad para mas mapalakas ang rehabilitation efforts.
Kasabay nito, sinunpinde na ang klase sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan gayundin ang pasok sa mga private at public offices sa buong syudad.
By Rianne Briones
Photo Credit: DSWD Caraga