Pinaghahandaan na ng Liberal Party (LP) ang lantarang pag-upak ni Vice President Jejomar Binay sa administrasyon at mismong kay Pangulong Noynoy Aquino.
Reaksyon ito ni Caloocan Congressman Edgar Erice ng Liberal Party sa pagbibitiw ni Binay sa gabinete ng Pangulong Aquino.
Ayon kay Erice, kung tutuusin matagal nang umuupak si Binay sa Pangulo subalit nakatago ito sa pag-upak sa mga opisyal ng administrasyon.
Mainam aniya ngayon dahil lalabas na rin ang tunay na kulay ni Binay.
“May kasabihan tayo na hampas sa kalabaw, latay sa kabayo, binabanatan po ni Vice President for example yung DAP, binabanatan niya si Sec. Butch Abad, as if na itong DAP na ito ay hindi polisiya ng Aquino administration, kaya matagal na nun sinabi ko na na magbitiw na si VP Binay dahil we are sleeping with an enemy.” Pahayag ni Erice.
Ayon naman kay LP Vice Chair at Senate President Franklin Drilon, inaasahan na nila ang mga banat ni Binay subalit welcome naman sa kanila ang ginawa nito at naging malinaw na ang pagiging oposisyon ng Bise Presidente.
Sinabi ni Drilon na may kalayaan ang sinuman na bumatikos sa tuwid na daan at mga repormang ipinatutupad ng administrasyon batay sa umiiral na demokrasya.
Subalit sana aniya ay maging responsibleng miyembro ng oposisyon si Binay at ibatay sa mga ebidensya ang gagamiting pagbatikos nito.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit | Judith Larino