Pinal nang ibinasura ng Korte Suprema ang paggigiit ni dating Senador Ramon Bong Revilla. Jr. na mapatigil ang plunder at graft trial sa kasong kinakaharap niya sa Sandiganbayan kaugnay sa PDAF Scam.
Pinagtibay ng high tribunal ang naunang desisyon nila nuong December 6 na ipawalang bisa ang paghahanap ng probable cause na naging susi sa pagsasampa ng kaso laban sa kaniya nuong 2014.
Ibinasura rin ng Korte Suprema ang mga apela ng kapwa akusado ni Revilla na sina Janet Lim Napoles, Chief of Staff ni Revilla na si Richard Cambe, mga empleyado ni Napoles na sina Ronald John Lim at John Raymund De Asis at Budget Undersecretary Mario Relampagos.
Wala nang ibinigay na dahilan ang public information office ng Korte Suprema sa pagbasura sa isinampang motion for reconsideration ng mga nasabing akusado.
By: Judith Larino