Pag-apruba na lamang ng Palasyo ang hinihintay para mapasakamay na ng dalawang milyong retiree ang P1,000.00 dagdag na pensyon sa SSS o Social Security System.
Ito ay ayon kay SSS President at CEO Emmanuel Dooc sa panayam nina Jun del Rosario at Mariboy Ysibido ng programang ‘Balita Na Serbisyo Pa’ sa DWIZ.
Ayon kay Dooc, naikasa na nila Disyembre pa lamang ng nakaraang taon ang perang ilalaan sa naturang dagdag na pensyon.
Bunsod na rin ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay ito kapalit ng dagdag na kontribusyton ng mga miyembro ng ahensya, kaya’t walang dapat ipangamba ang mga claimant nito.
Aniya, pwede na nilang ibigay ang dagdag pensyon anumang oras basta’t may abiso na galing sa Palasyo.
Paliwanag ni Dooc, mas mahalaga pa rin na may pormal na instruction ang Palasyo sa kanila bago ito ipamudmod.
Dagdag pa ni Dooc, umaasang may retroactive ang naturang pensyon kung saan makatatanggap ang mga pensioner ng dalawang buwang dagdag pensyon kung maipatutupad na ito ngayong buwan dahil Enero ito inaasahang maipatupad.
Samantala, sinabi rin ni Dooc na maaari nang mag-apply ng calamity loan ang mga naging biktima ng lindol sa Surigao City na pwede umanong umabot sa halagang P16,000.00 na may mababang interes.
By Race Perez