Inako ng BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang pagpatay sa dalawang sundalo sa Shariff Aguak Maguindanao.
Agad nagpakalat ng kanyang statement si Abu Misry Mama, Spokesman ng BIFF matapos tambangan at mapatay sina Privates Milvert Nebrida at Edmund Antipuesto, kapwa miyembro ng 34th Infantry Battalion na nakabase sa Shariff Aguak.
Sakay ng motorsiklo ang 2 sundalo nang pagbabarilin sila ng mga pinaniniwalaang miyembro ng BIFF na agad nilang ikinamatay.
Pinaniniwalaang tinangay rin ng mga suspect ang motorsiklong gamit ng dalawang sundalo.
Ayon kay Captain Joanne Petinglay, Spokesperson ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, nakakalungkot ang insidente dahil bahagi ang dalawang biktima ng mga sundalong nagsasaayos sa mga nasirang paaralan sa Datu Unsay.
By Len Aguirre