Tinatayang pitong libong katao na umaasa sa mining sector bilang kanilang kabuhayan ang magugutom sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur bago pa makapaglatag ng ecotourism program si Environment Secretary Gina Lopez.
Ito’y bilang alternatibong hanapbuhay sa mga nawalan ng trabaho matapos ipatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng mahigit dalawampung mining company.
Ibinabala nina Surigao del Sur governor Vicente Pimentel Jr at Cantilan mayor Philip Pichay na aabutin ng tatlo hanggang limang taon bago tuluyang ma-develop ang ecotourism industry.
Bagaman suportado ni Pichay ang proposal ni Lopez na mag-alok ng trabaho sa mga apektadong minero, dapat anyang makapag-generate ng 1 billion peso income ang proposed ecotourism industry para lamang sa tatlong libong katao.
Binatikos naman ni Pimentel ang kalihim sa pagsasabing gutom ang aabutin ng mga pamilyang apektado lalo’t wala namag inilatag na “mabilisang solusyon” bago ipinasara ang mga mining firm bukod sa naunsyaming 5 billion dollar investment ng Carrascal Nickel Corporation dahil sa kautusan ng DENR.
By Drew Nacino