Isinusulong ng CPP o Communist Party of the Philippines ang pagpirma sa isang bilateral ceasefire agreement sa pagitan ng gobyerno at ng kanilang grupo.
Ayon sa CPP-NPA, handa silang palayain ang anim (6) na hawak nitong prisoners of war bilang pagpapakita ng sinseridad sa kanilang layunin na muling makipag-negosasyon.
Hinimok ng rebeldeng grupo ang gobyerno na magpadala ng negotiating panel sa nauna nang itinakdang pagpupulong sa The Netherlands para pag-usapan ang bilateral ceasefire sa February 22 hanggang 27.
Umaasa ang grupo na bagama’t magiging mahirap ang ilang detalye para sa bilateral ceasefire ay mapag-uusapan ito at tuluyang magbibigay ng kapayapaan sa dalawang panig.
Una nang binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagnegosasyon sa rebeldeng grupo dahil sa sunod – sunod na pag – atake sa mga sundalo at pagpalag sa inihirit na pagpapalaya sa higit apatnaraang (400) political prisoners.
Samantala, nanatiling bukas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa usaping pangkapayapaan sa CPP – NPA – NDFP.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, kung mayroon man higit na may gusto na magkaroon ng kapayapaan sa bansa ito ay ang mga sundalo.
Kailangan aniyang magkaroon ng social pressure para mapilitang bumalik sa negosasyon ang rebelde at gobyerno.
Ngunit habang nanatili pa rin ang posisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makipag-usap sa mga rebelde ay nanatili rin ang mandato ng AFP na bantay at supilin ang nasabing grupo.
Simula aniya nang bumalik ang offensive operations laban sa NPA, umabot na sa higit 40 na miyemrbo ng komunistang grupo ang na-neutralize sa halos tatlumpung (30) naitalang engkwentro simula noong February 4 hanggang 18.
By Rianne Briones
Photo Credit: cpp website