Mananatili sa kulungan ang mga high profile inmate na tumestigo laban kay Senadora Leila de Lima.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasunod ng ulat na palalayain umano ang mga nasabing bilanggo o pagbibigay ng prebilehiyo sa mga ito kapalit ang pagtestigo laban sa senadora.
Sa programang “Karambola”, sinabi ni Aguirre na pagsisilbihan pa rin ng mga high profile inmate ang kanilang sentensya dahil iyon aniya ang naaayon sa batas.
“Gusto ko lamang ipaliwanag hindi totoo yan, wala kaming kahit na anumang special privilege na binigay dito sa mga high profile inmates na ito sa kabila ng kanilang pagtestigo hindi mababawasan kahit isang araw yung kanilang sentensya na kanilang binubuno ngayon, mananatili silang nakakulong despite the fact na sila’y tumestigo dito.” Ani Aguirre
Ipinabatid din ni Aguirre na hindi nila iniiwas ang mga kasong isinampa nila kay De Lima sa Ombudsman.
Sa katunayan, sinabi ni Aguirre na hinintay pa ng Ombudsman na matapos ang imbestigasyon ng DOJ bago tuluyang isampa ang mga nasabing kaso.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre
By Jaymark Dagala | Karambola (Interview)