Pinilit na sumama sa tour ang mga estudyanteng sakay ng naaksidenteng bus sa Tanay, Rizal na ikinasawi ng 15 katao.
Ayon ito sa ilan sa mga magulang ng mga estudyanteng kabilang sa naturang tour ng Best Link College of the Philippines sa Quezon City.
Sinabi ng mga magulang na binantaan ang kanilang mga anak na ibabagsak kapag hindi sumama sa tour.
Halos mag collapse naman si Ginang Rosalyn Bernardino nang mabatid na ang 19 anyos na anak ay kabilang sa mga nasawi mula sa bus number 8 ng nasabing tour.
Sinasabing isasagawa sa Tanay ang medical at survival training ng mga estudyante bilang bahagi ng kanilang NSTP o National Service Training Program Subject.
Samantala nagpa blotter naman laban sa Bestlink sa Quezon City Police District Station 4 si Ginang Mardy Cruz kahit pa ang kaniyang anak ay inilipat sa bus number 9 mula sa bus number 8.
Sinabi ni Luz na binalaan ang kaniyang anak na hindi ga graduate kapag hindi sumama sa fieldtrip gayung First year college pa lang ang kaniyang anak.
Kasabay nito nag protesta sa loob ng campus ang ilang magulang matapos ang aksidente.
Itinanggi naman ng pamunuan ng paaralan na requirement ang pagsama sa field trip para maka graduate subalit kinumpirmang ang nasabing training ay kailangan para makapasa sa NSTP.
By: Judith Larino