Itinutulak ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-regulate sa mga parking fee na sinisingil sa mga mall, ospital, eskwelahan, hotel at iba pang mga establisimyento.
Batay sa panukalang batas ni Surigao del Norte Second District Representative Robert Ace Barbers, sapat na ang isandaang pisong (P100) bayad para sa parking fee sa loob ng walong (8) oras habang karagdagang sampung piso (P10) naman mga susunod na oras.
Sa kasalukuyan, nasa singkwenta pesos (P50) kada tatlong oras ang sinisingil na parking fee ng mga establisimyento at karagdagang sampung piso (P10) o dalawampung piso (P20) para sa mga karagdagang oras.
Sa ilalim din ng panukala, papanagutin na rin ang mga establisimyento para sa mga nasira o nawalang sasakyan na nakaparada sa kanilang lugar.
Ipinaliwanag ni Barbers na dahil sa mahal na parking fee sa mga establisimyento ay napipilitang sa kalsada pumarada ang ilang motorista na isa sa mga dahilan ng pagbibigat ng daloy ng trapiko.
By Ralph Obina