Tiniyak ng Malakanyang ang kaligtasan ni Senadora Leila De Lima makaraan siyang arestuhin ng pulisya hinggil sa kinahaharap niyang mga kaso na may kaugnayan sa iligal na droga.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ito ang siniguro sa kanila ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa mula nang isampa ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban kay De Lima sa korte.
Binigyang diin pa ni Abella, wala siyang makitang dahilan upang mangamba si De Lima sa kaniyang seguridad at buhay gayung matagal nang batid ng puliko na may kinahaharap siyang kaso
Sa panig naman ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo, imahinasyon lamang aniya ni De Lima ang umano’y banta sa kaniyang buhay.
Tiwala rin si Panelo na dumaan sa tamang proseso ang kaso ng senadora at itinanggi nitong paghihiganti ang motibo sa pagpapakulong sa mambabatas.
By Jaymark Dagala |With Report from Aileen Taliping