Iimbitahan ng House of Representatives ang mga kinatawan ng social media networks katulad ng Facebook, Twitter at Instagram, sa kanilang pagdinig sa ipinapanukalang Social Media Regulation Act.
Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na bago pa man maiskedyul ang pagdinig ay mayroon nang lumalapit sa kanya na opisyal ng social networking sites na nagsabing handa silang tumulong sa pagbuo ng regulatory measures.
Aminado aniya ang mga ito na kailangang magkaroon ng batas para maiwasan ang mga pang-aabuso katulad ng identity theft at ang pagpapakalat ng tsismis.
Sa ilalim ng panukalang batas, mahaharap sa 6 hanggang 12 taong pagkabilanggo at pagbabayarin ng P30,000 hanggang P50,000 ang mapapatunayang lumabag dito.
By Katrina Valle