Inaasahan ng DILG o Department of the Interior and Local Government na susuporta ang lahat ng lokal na opisyal sa buong bansa sa ikinakasang pro-Duterte rally ngayong anibersaryo ng EDSA People Power.
Katunayan, naglabas pa ng memorandum ang DILG na pirmado ni Secretary Mike Sueno, na nagsasabing maaaring i-organisa ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga kababayan na nais makilahok sa pro-Duterte rally.
Inaasahan raw nila na ipapakita ng mga lokal na opisyal ang pagsuporta nila sa Pangulo.
Nakasaad din sa memo ang mga detalye ng aktibidad ngayong araw na pangungunahan ng MRRD NECC o Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Council na siya ring nag kampanya kay Duterte noong tumakbo ito sa pagkapangulo.
Pinamumunuan ito ni DILG Undersecretary John Castriciones.
Sabay-sabay na vigil ang ikakasa ng MRRD NECC sa Quirino Grandstand, Davao, Cebu, Iloilo, Bacolod, maging sa Hongkong, London, Dubai at Canada para ipakita ang kanilang suporta sa mga adbokasiya ni Duterte.
By Jonathan Andal